Isang limang-taong-gulang na Chinese ang minomonitor ngayon ng Department of Health (DOH) dahil nilalagnat ito nang dumating sa Cebu at galing sa Wuhan, China—ang lugar kung saan nagkaroon ng outbreak dahil sa bagong uri ng coronavirus.

Sa pulong balitaan nitong Martes, sinabi ni Health Secretary Francisco Duque III, nagpakita ng sintomas ng lagnat, pangangati ng lalamunan at ubo ang pasyente nang dumating sa bansa noong Enero 12.

Kaagad na dinala ang bata sa Central Visayas Center for Health Development.
Ipinadala naman ang sample na kinuha sa bata sa Research Institute for Tropical Medicine (RITM) para masuri.

Bagaman lumitaw sa pagsusuri na apekto ng coronavirus ang pasyente, negatibo naman ito uri ng Middle East respiratory syndrome coronavirus (MERS-CoV) at Severe Acute Respiratory Syndrome (SARS).

Ayon kay World Health Organization Country Representative Rabindra Abeyasinghe, “there are many coronaviruses that cause respiratory infections which are very mild.”

Kaya naman ipinadala sa Australia ang mga sample na kinuha sa batang pasyente para masuri at matukoy kung anong uri ng coronavirus ang kaniyang taglay, at kung katulad ito nang kumakalat sa Wuhan.

Una rito, inihayag ng China at WHO, na isang bagong uri ng coronavirus ang nasa likod ng outbreak ng pneumonia sa Wuhan kung saan mahigit 200 katao ang kumpirmadong nagkasakit.

Tatlong pasyente naman ang iniulat na nasawi na dahil sa virus.

Mayroon na ring kaso nito na naitala sa Japan, Thailand at South Korea.

FACTBOX: New coronavirus outbreak spreads in China

Ayon kay Duque, stable ang kalagayan ng batang pasyente sa Cebu pero mayroon pa rin siyang ubo.

Idinagdag niya na tatlong iba pa ang sinusubaybayan ng DOH na mayroon ding sintomas ng lagnat nang dumating sa Kalibo International Airport.

Kinunan na rin ng samples ang tatlo at ipinadala sa RITM para masuri.

Ayon kay Duque, mabuti na ang kalagayan ng tatlo at wala nang ipinakikitang sintomas ng sakit.—FRJ, GMA News