Tinawag ni Speaker Alan Peter Cayetano na "symbolic gesture" ang gagawing pagdaraos ng "sesyon" ng mga kongresista sa Batangas para personal at direktang madinig ang sasabihin ng mga naapektuhan ng pag-alburoto ng Taal Volcano.

Sa kaniyang Facebook live nitong Martes, sinabi ni Cayetano na hindi nila layunin na makagulo sa mga tao kung hindi mapakinggan ang kanilang mga hinaing.

“Promise namin sa inyo, magiging relevant, responsive, at reliable ang Kongreso. And the session is the highest form of congregation or the plenary is supreme sa Congress,” paliwanag niya.

Higit na mabuti umano ang gagawin nilang pagdaraos doon ng sesyon kaysa isa-isang magpunta doon ang mga kongresista at magbigay ng tulong.

“That’s why gusto po namin, as a symbolic gesture sa mga kababayan sa Calabarzon na yung session ang dalhin sa inyo hindi para makagulo, hindi para kung saan pa man but makinig sa inyo and to really let you know that we’re here for you,” patuloy niya.

Idaraos ang sesyon sa Batangas Convention Center sa Miyerkules, Enero 22.

Samantala, tiniyak naman ni House Majority Leader Martin Romualdez, na susuportahan nila ang kahilingan ni Pangulong Rodrigo Duterte na magpasa ang Kongreso ng P30 bilyon na supplemental budget para matulungan ang mga naapektuhan ng pagputok ng bulkan.

Kung kailangan,  handa umano ang liderato ng Kamara na itaas ang hinihinging pondo ng hanggang P50 bilyon para sa mga biktima ng naturang kalamidad.

"Under the leadership of Speaker Alan Peter Cayetano, we assure that the House of Representatives would give the highest priority to the request of President Duterte for Congress to fast-track the approval of a P30 billion supplemental budget for areas affected by the Taal Volcano eruption," saad ni Romualdez sa pahayag.

Patuloy umano silang makikipag-ugnayan sa Malacanang para sa detalye ng supplemental budget.--FRJ, GMA News