Bagaman may takip ang mukha, humarap sa camera para humingi ng paumanhin ang security guard  na nagpakilalang pulis at nanindak ng sidewalk vendor sa Caloocan City. Ang naturang insidente, nag-viral sa social media.

Sa ulat ng online news na "Stand For Truth" nitong Martes, ipinakita ang viral video na makikita ang lalaki na nakikipagtalo sa sidewalk vendor na nagtitinda ng street food sa Barangay Morning Breeze.

May pagkakataon pa sa video na ibinato ng lalaki ang tindang street food.

Ayon sa tindero na si Arnold Malate, nagalit ang suspek na nakilala kinalaunan na si Rexander Baltisoto, dahil may paninda sila na bawas ang laman na nakatusok sa stick dahil natanggal ito sa pagkakatuhog.

Pero sinabihan naman daw nila ang suspek na pumili na lang sa ibang tinda na kompleto ang nakatuhog. Pero nagalit daw ang lalaki at sinampal pa raw siya nito.

Nagbanta rin umano si Baltisoto na babalikan sila kaya hanggang ngayon ay hindi pa bumabalik sa kanilang puwesto ang mga biktima.

Napag-alaman naman sa Supervisory Office for Security and Investigation Agency, ang sangay na nagsisiyasat sa mga inirereklamong security guard, na hindi talaga pulis si Baltisoto.

Sa panayam kay Baltisoto, inamin niya na nakainom siya nang mangyari ang insidente at may pinagdadaanang problema sa pamilya.

Bibili daw sana siya ng street food pero nagalit daw ang nagtitinda nito nang ibalik niya ang kaniyang napili dahil kulang ang nakatusok na laman at naisawsaw na niya.

Idinahilan naman niya na nagpanggap siyang pulis dahil nakita niya na tila may binubunot ang isang kasamahan ng vendor.

Kinumpirma naman ni Malate na huhugutin sana ng kasama niya ang patalim sa ilalim nang nanggugulo na ang suspek. Pero sinabihan daw niya ang kasama na hayaan na lang ang suspek na magsalita.

Sa kabila nito, humingi ng patawad si Baltisoto sa vendor at idinahilan na sadyang magulo lang daw ang kaniyang isip dahil sa problema sa pamilya.

Nais na raw niyang matapos ang gulo at pinagsisihan na niya ang kaniyang ginawa.

"Kung anuman po ang hatol nila sa akin tatanggapin ko, mapatawad lang nila ako.  Pero hanggat maaari po, maayos ko na ito kasi kawawa ang mga anak ako walang makain araw-araw," saad niya.

Ayaw sa mga awtoridad, maaring maharap sa kasong administratibo at kasong kriminal si Baltisoto dahil sa pagpapanggap niya bilang pulis.--FRJ, GMA News