Isang senior citizen at dalawang iba pa ang nahuli sa pagtutulak umano ng droga sa Pasay City, ayon sa ulat ni Bam Alegre sa Unang Balita nitong Miyerkoles.

Nahuli ang senior citizen at kasama nito dahil sa sumbong ng mga kapitbahay tungkol sa iligal na pasugalan. Nang puntahan ng mga pulis, nabistong hindi nagsusugal ang mga suspek kundi nagtutulak ng shabu.

Nasabat sa mga suspek ang 11.68 gramo ng shabu na may street value na P79,400.

Anang senior citizen na si Rico Favia, mahigpit lang ang kaniyang pangangailangan dahil hindi na siya makapag-karpintero sa katandaan.

Kinilala ang isa pang naarestong suspek na si Ismar Gigante, ang umano'y runner ni Favia.

Samantala, arestado rin ang isa umanong tulak na si Cheche Washington, na kakalaya lang noong Nobyembre, dahil sa sumbong ng isang concerned citizen. 

Siyam na gramo na shabu na puwedeng ibenta sa halagang P60,000 ang nakuha sa pouch ni Washington. Pangtustos lang daw niya ito sa mga anak niya. —KBK, GMA News