Isang batang lalaking 11-taong gulang ang patuloy pang hinahanap matapos malunod sa creek sa Brgy. Obrero sa Quezon City, ayon sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Biyernes.

Nadulas daw ang biktimang si Jusfer Uno Orquina nang tangkaing kuhanin ang isang bola sa creek pasado 3 p.m. nitong Huwebes.

Ayon sa kaanak ni Orquina, may kuweba raw sa ilalim ng creek.

Tulong-tulong naman ang mga rescuer sa paghahanap sa biktima. Naglagay pa ng lubid dahil madulas sa gilid ng creek. Bagama't umabot ng anim na oras ang paghahanap, bigo silang makita ang bata.

Labis ang pag-aalala ni Justine nang hindi nahanap ang kanyang anak na panganay sa apat na magkakapatid.

"Twelve feet na daw po kasi yung lalim nung sapa tapos daw po nasa five feet pa lang daw po sila, hinihigop na raw po sila — may kweba daw po dun sa ilalim. Kapag nagtangke raw po sila pwede sila maipit sa loob ng kweba," aniya.

Kahit wala na ang mga rescuer ay matiyagang nagbantay ang mga kaanak sa gilid ng creek kagabi. —KBK, GMA News