Sa pagputok ng Taal volcano, muling naipakita ng mga Filipino ang kanilang pagmamalasakit sa kapwa para tumulong sa mga nasalanta. Kabilang sa kanila ang isang matandang nangangalakal at isang musikero, na ilan lamang sa mga nag-donate ng naitatabi nila pera para sa evacuees.

Sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, makikita ang simpleng pamumuhan ni Mang Ben Garcia, 71-anyos, habang naghahanap ng mabibiling bote sa mga bahay-bahay kasama ang kaniyang bunsong anak na may special needs.

Ang binibili nilang bote, ibebenta rin nila para kumita at doon nila kinukuha ang panggastos nila sa araw-araw.

"Iito kasing hanapbuhay namin ay tsambahan po. Minsan kikita ng P500. Kapag ganun yung P200 itatabi ko," kuwento niya.

Nang makita niya ang sinapit ng mga nasalanta ng pagputok ng bulkang Taal, nadurog daw ang puso ni Mang Ben kaya nagtungo siya sa tanggapan ng Kapuso Foundation upang idonate ang naipon niyang pera.

"Kawawa ang mga taong ito,  tayo hindi naman tayo naapektuhan may naitabi akong konti. Kahit konti lang, dinonate ko na," pahayag niya.

Samantala, ang perang naipon naman mula sa nakukuhang "tip" ang idinonate ng musikerong si Mang Eddie Macaranas para makatulong din.

"Wala akong suweldo tip lang, maganda naman ang bigay sa akin kay nagbibigay ako," saad niya.

Ang motorcycle group na Vespaps Quezon City, kahon-kahon ang dala para sa mga taong naapektuhan din ng Taal eruption.

Ang kanilang ginawa, patuloy na walang pinipiling edad o estado sa buhay ang pagtulong sa kapwa. --FRJ, GMA News