Patay ang isa umanong sundalo habang sugatan ang dalawang pulis sa engkwentro sa Marikina City nitong Sabado ng umaga.

Sa ulat ng Balitanghali Weekend, sinabing nagsimula ang barilan dakong alas-onse ng umaga nang may pumasok na dalawang motorsiklo sa A. Bonifacio Avenue sa kanto ng River Banks.

Ayon sa mga nakasaksi, bigla na lamang umanong bumagsak ang isang rider sa daan.

Nahagip din sa isang CCTV camera ang nakabulagta na dalawang lalaki habang ang isang rider ay nakaupo at nilalapatan ng paunang lunas ang kanyang paa na tinamaan ng bala ng baril.

Pahayag ng unang nakaresponde matapos makarinig ng mga putok ng baril, pagdating niya sa crime scene, nakita na lamang niya ang tatlong lalaking nakabulagta at duguan, at ang isa ay wala nang malay.

Isinugod umano kaagad sa ospital ang mga sugatan, at ang isang wala nang pulso.

Nagpakilalang mga pulis ang dalawa, mula umano sila sa Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) at ang isa namang nakahandusay ay isa umanong sundalo na nahinahabol nila isang police operation.

Ayon sa mga pulis, bigla lamang umanong nagkaputukan pagdating nila sa lugar.

Kinilala ang mga sugatan na sina Police Executive Master Sergeant (PEMS)  Demetrio Magpali, at Police Staff Sergeant (SSG) Edward Yap na parehong taga-CIDG, at ang sundalong napatay ay si Staff Sergeant Marvin Balucas, isang enlisted personnel ng  Armed Forces of the Philippines (AFP) mula sa Rodriguez, Rizal.

Ayon kay Police Brig Gen Johnson Almazan ng Eastern Police District, "We have already requested the Regional Intelligence Division to check with our AFP counterparts natin kung yung identity ni Sergeant Balucas eh totoo nga ba."

Dagdag niya, "Also ang iba pang findings natin ay two members of the CIDG ang nakabarilan. Hanggang sa ngayon ay 'di pa malinaw ang motibo at dahilan ng nangyaring barilan."

Hindi pa rin umano maituturing na suspek si SSG Balucas. —LBG, GMA News