Isa ang patay at apat ang sugatan nang inararo ng isang SUV ang mga nag-aabang ng masasakyan sa bus stop sa tapat ng isang malaking mall sa EDSA nitong Linggo ng madaling araw.

Nangyari ang aksidente sa panulukan ng EDSA at North Avenue sa Quezon City pasado alas-dos ng madaling araw, ayon sa ulat ni Corinne Catibayan sa Balitanghali Weekend ng GMA News TV nitong Linggo.

Mabilis umano ang takbo ng SUV.

Paliwanag ng driver, ginitgit daw siya ng isang bus kaya nawalan siya ng kontrol.

Ayon kay Police Staff Sergeant Andy Sotto ng Quezon City Police District Traffic Investigation, sinabi ng driver na noong nawalan na siya ng kontrol sa sasakyan ay nagtuloy-tuloy ito doon sa mga commuter na naghihintay ng masasakyan.

Dead on the spot ang isang nakatatanda habang malala naman ang natamong sugat ng ibang biktima.

Kasalukuyang nagpapagaling sa Quezon City General Hospital ang mga nasugatan.

Nasa kustodiya na ng QCPD Traffic Sector 6 ang driver na 22-anyos.

Pinuntahan siya rito ng kanyang ama at pareho silang tumangging magbigay ng pahayag.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa aksidente.

Posibleng maharap ang driver ng SUV sa kasong reckless imprudence resulting to multiple physical injuries at homicide. —KG, GMA News