Isang kagawad sa Maynila ang sugatan matapos pagbabarilin ng mga riding-in-tandem. Patay naman ang isang 8-taong gulang na batang nadamay lang.

Ayon sa ulat ni Corinne Catibayan sa Unang Balita nitong Martes, naganap ang insidente sa Onyx Street sa Sta. Ana, Manila, bandang 4 p.m. nitong Lunes.

Makikita sa cellphone video na duguang nakahandusay ang bata, na kinalong ng isang matanda habang kumukumpas sa tao na maghanap ng sasakyan.

Sa kabilang bahagi ng kalsada, duguan at nakahandusay din ang isang matandang lalaki.  

Kapwa nadala ang dalawa sa ospital kalaunan, pero sa kasamaang palad nasawi ang batang lalaki.

Tumanggi ang mga kaanak ng bata na kuhanan ng burol maging ang pagbanggit ng kaniyang pangalan. Ayon sa mga tanod, nadamay lang ang bata.

Bumili lang daw ng inihaw ang bata sa tapat ng barangay hall nang magkaroon nng barilan at tamaan siya ng bala.

Dalawang riding-in-tandem daw ang nasa likod ng pamamaril

Sa kuha ng CCTV, makikitang isang lalaki ang nakaupo sa labas ng barangay hall nang dumaan ang dalawang motorsiklo. Bumaba ang mga backride at bigla siyang pinagbabaril. Sinubukan ng lalaking tumakbo hanggang tuluyan siyang bumagsak.

Sa isa pang kuha, makikitang kahit nakadapa na pinagbabaril pa rin siya ng mga suspek hanggang tuluyan tumakas ang mga ito.     

Kinilala ang target na si Kagawad Ruberto Cudal ng Barangay 775 Zone 84, habang ang matandang lalaki na nakunan sa video ay nadamay lang din at kinilalang si Romeo Nicolas. 

Inaalam pa ng mga mga otoridad kung sino at ano ang sa likod ng pamamaril. —KBK, GMA News