Bistado ang babaeng Thai na nagtangkang magpuslit ng milyon-milyong pisong halaga ng droga sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Itinago raw ng dayuhan ang mga pakete ng shabu sa maleta na nakabalot ng carbon paper at packaging tape.

Nang ma-detect ito sa X-ray machine ng NAIA, isinailalim sa physical examination ang loob ng bagahe.

Tumambad sa Customs ang nasa P28-milyong pisong halaga ng shabu.

Hawak na ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang babaeng Thai na nahaharap sa kaukulang reklamo. —KBK, GMA News