Kinumpirma ni Interior Secretary Eduardo Año na kasama sa drug watchlist ng gobyerno ang kontrobersiyal na pulis na si Police Lieutenant Colonel Jovie Espenido.

Sa ipinadalang mensahe sa mga mamamahayag, sinabi ni Año na sasailalim pa sa "validation" ang pagkakasama ni Espenido sa naturang listahan.

“Yes, that’s true and he will also undergo validation and possible investigation,” anang kalihim.

Si Espenido ang police officer na madalas purihin ni Pangulong Rodrigo Duterte sa pangunguna sa malalaking operasyon kontra-droga tulad sa pagkakapatay kay Ozamiz City Mayor Reynaldo Parojinog, na pinaghihinalaang big-time drug lord noong July 2017.

Una rito, ayaw kumpirmahin o aminin ni Philippine National Police (PNP) chief Police General Archie Francisco Gamboa kung nasa drug watchlist nga si Espenido.

“I neither confirm nor deny kasi nga there's part of confidentiality. Second, pinromise ko sa 357 na I will not divulge your name kasi they will undergo a specific process,” paliwanag ni Gamboa sa Dobol B sa News TV interview.

Gayunman, inamin ng pinuno ng PNP na inalis sa kaniyang puwesto si Espenido bilang Bacolod City police deputy chief for operations, at inilagay siya sa Camp Crame.

Una rito, sinabi ni Gamboa na 357 pulis ang iniimbestigahan dahil sa umano'y pagkakasangkot sa illegal drugs trade. Sa naturang bilang, 15 ang kumuha ng optional retirement, habang 43 iba pa ang nag-AWOL (absence without leave). —FRJ, GMA News