Inihayag ni Speaker Alan Peter Cayetano ang pagtutol sa dibosiyo na isinusulong ngayon ng ilang mambabatas sa Kongreso.

Inihayag ito ni Cayetano sa harap ng 80 magsing-irog na dumalo sa kasalang bayan sa Paranque City nitong Biyernes ng umaga.

READ: 'Dissolution of Marriage' bill, paano naiiba sa divorce at annulment?

Bagaman aminado si Cayetano na mayroong tinatawag na “impossible marriages;” tulad ng lalaking sinasaktan o sapilitang sinisipingan ang asawa, o parehong lulong sa droga ang mag-partner at nagdurusa ang kanilang mga anak,  sinabi naman niya na hindi diborsiyo ang magiging kasagutan dito.

Anang lider ng mga kongresista, maaaring magdulot pa ito ng mas maraming problema sa hinaharap kung basta papayagan ang isa na muling makapag-asawa.


“My personal view, na hindi ko naman ini-impose sa buong Kongreso, is that once na mag-divorce ka, ang pupuntahan na noon, no fault divorce," saad ni Cayetano.
"Ibig sabihin, ang kasalan, parang magsyota lang. Parang mag-boyfriend-girlfriend,” dagdag ni Cayetano na kasal sa kapwa niya kongresista na si Lani Cayetano.

Sa halip na isulong ang diborsiyo, nais ni Cayetano na maghanap ng ibang paraan ng paghihiwalay ng mag-asawa pero napoprotektahan pa rin ang kasagraduhan ng kasal.

“I would rather we study bakit napakahirap kumuha ng annulment. Di ba? Or any other kind of dissolution of marriage that will still protect the marriage,” paliwanag niya.

ALAMIN: Magkano ang gastos sa isang annulment case?

Sa isang panayam noon sa isang batikang abogado, sinabi nito na aabot sa P450,000.00 ang gastos sa hahawakan niyang annulment case kung hindi kokontra o hindi lalaban ang kabilang panig. —FRJ, GMA News