Natagpuan malapit sa isang paradahan sa Pasig City ang dalawang bangkay na may mga tama ng bala. Posible raw na doon na sila pinagbabaril.

Ayon sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Martes, bandang 2 a.m.
nang makarinig ng mga putok ng baril ang caretaker ng katabing paradahan ng mga oil tanker.

Paglabas niya ay nakita niyang nakabulagta na ang dalawang lalaki ilang metro lang ang layo sa East Bank Road.

Kapansin-pansin din ang isang puting SUV sa lugar na hindi raw dating napagkikita doon noon.

Ang dalawang biktima ay kapwa nakasuot ng shorts at T-shirt. Ang isa ay nakatakip pa ang mga mata ng panyo.

Ayon sa Pasig Police, nakapasok pa ang kamay ng mga biktima sa kanilang shorts. May indikasyon daw na dito pinagbabaril ang dalawa dahil sa mga basyo ng bala.

Sabi naman ng mga taga-barangay, hindi nila kakilala ang dalawang lalaki. —KBK, GMA News