Kahit bistado na, todo tanggi pa noong una ang isang lalaking naaresto dahil sa pagnanakaw ng cellphone ng isang pasahero ng bus sa Quezon City.

Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Miyerkoles, kinilala ang suspek na si Jetro Eluna. Inaresto siya matapos niyang nakawin umano ang cellphone ng isang pasahero ng bus sa Edsa-Muñoz nitong Martes ng gabi.

Kuwento ng 23–anyos na biktima, sumakay siya ng bus sa Balintawak at papunta sana siyang Cubao. Nilagay daw niya ang cellphone sa bulsa dahil kailangan niyang kumuha ng pamasahe. Maya-maya raw ay napansin niyang wala na ang cellphone niya.

Agad daw siyang bumaba sa area ng Muñoz para sundan ang salarin. Buti na lang ay nakahingi siya ng tulong sa mga security guard ng isang mall kaya nahuli si Eluna.

Ang salarin, todo-tanggi pa noong una at inihulog sa kalsada ang ninakaw na cellphone. Pero pagdating sa police station, umamin siya na dalawang linggo na siya sa ganitong modus. Karaniwan daw ay dalawa hanggang tatlo silang umaakyat sa bus para magpanggap na pasahero.

Desidido ang biktima na sampahan ng reklamong theft ang suspek. —KBK, GMA News