Patay ang isang abogado at suspindidong legal officer ng Bureau of Corrections matapos siyang pagbabarilin habang sakay ng kaniyang pick-up hindi kalayuan sa New Bilibid Prison sa Muntinlupa City nitong Miyerkules.

Ayon sa Southern Police District (SPD), susunduin sana ng biktimang si Atty. Frederick Anthony Santos, ang kaniyang anak sa paaralan nang pagbabarilin siya ng mga salarin sa Barangay Poblacion.

Mabilis na tumakas ang mga salarin matapos ang krimen.

Idineklara ng mga rumespondeng Muntinlupa Rescue Team ang pagpanaw ng biktima.

Patuloy ang isinasagawang operasyon ng mga awtoridad sa pagtugis sa mga salarin.

READ: Ombudsman suspends three more prison officials over GCTA mess

Setyembre nitong nakaraang taon nang patawan ng six-month suspension without pay ng Office of the Ombudsman si Santos at ilan pang opisyal ng NBP kaugnay ng iskandalo ng Good Conduct Time Allowance (GCTA) law. —FRJ, GMA News