Inihayag ng Cebu Pacific nitong Miyerkules na babawasan nila ang singil sa pamasahe sa mahigit 70 na domestic destination. Gagawin ito bilang suporta sa layunin ng pamahalaan na palakasin ang lokal na turismo at matulungan ang industriya na apektado ng pangamba sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Sa isang pahayag, sinabi ng Cebu Pacific na magkakaroon sila ng promotional base fares na P88 para sa domestic flights mula sa Manila, Cebu, Cagayan de Oro, Davao, Iloilo, at Zamboanga.

Dadagdagan din umano ng Cebu Pacific ang kanilang kapasidad ng 44 porsiyento sa pamamagitan ng paggamit ng mas malalaking eroplano at dagdag na biyahe.

"Through this increase in the supply of seats and fare reductions across our domestic route network, we hope to encourage Philippine residents to travel and explore the country," ayon kay Candice Iyog, Vice President for Marketing and Customer Experience ng Cebu Pacific.

Una rito, nakipagpulong kay Pangulong Rodrigo Duterte ang tourism industry stakeholders, at kabilang sa mga napagkasunduan ang babaan ang singil sa eroplano at pati na sa mga hotel.

"We are one with the government and fellow tourism stakeholders during this challenging time," ayon kay Iyog.

Ginawa ang hakbang dahil sa epekto ng COVID-19 sa industriya ng turismo dahil sa ipinagtupad na travel ban sa ilang lugar, partikular sa China.

Batay sa datos mula sa Department of Tourism, pangalawa ang mga Tsino sa pinakamaraming dayuhan na namamasyal sa Pilipinas, kasunod ang mga Koreano.—FRJ, GMA News