Nadakip na nitong Miyerkules ng gabi ang suspek sa panghoholdap at pagbaril sa isang pares-mami vendor sa Tondo, Maynila.

Paalala, may bahagi sa video na sensitibo.

 

Sa ulat ni Sam Nielsen sa Super Radyo dzBB, dakong 7:00 p.m. umano nang maaresto ng mga operatiba ng Manila Police District ang suspek na kinilalang si Alexander Ogdamina.

 

 

Bukod sa kuha sa CCTV, positibong kinilala umano ng mga saksi si Ogdamina na siyang bumaril sa biktimang si Samson Bautista.

READ: Tindero ng pares sa Tondo, hinoldap at binaril

Isinasailalim na umano sa interogasyon ang suspek sa police station sa Baseco.

Matatandaan na hinarang ng armadong salarin si Bautista at pilit na kinukuha ang bag nito na naglalaman ng kinita sa paglalako ng pares-mami.

Nang hindi kaagad ibinigay ni Bautista ang bag, binaril siya ng salarin at kinuha ang kaniyang bag bago tumakas.

Tinamaan ng bala sa leeg ang biktima na posible umanong maparalisa mula bewang pababa dahil nadaplisan ng bala ang bahagi kaniyang ng gulugod o spine, ayon sa ulat ng GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules.

Samantala, sa pahintulot ng doktor at nakausap ng GMA News si Bautista at nagawang manawagan ng hustisya sa kaniyang sinapit.

"Sana mahuli yung bumaril sa akin. Wala man ako atraso sa kanya. Ano atraso ko sa kanya ginawa niya sa'kin 'to," hinanakit ng biktima. --FRJ, GMA News