Kakaibang paggamit ng droga ang nabisto ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), dahil ang shabu hindi po hinihithit kundi tinutunaw at itinuturok.

Ayon sa ulat ni Ivan Mayrina sa Balitanghali nitong Huwebes, unang beses nakahuli ang PDEA ng shabu na ibinebenta sa mga nakahanda nang syringe at ituturok na lang sa mga parokyano.

Aabot sa 26 na syringe ang nahuli sa buy-bust operation nitong Huwebes ng madaling araw sa Mandaluyong.

Arestado ang dalawang suspek na si Mark Kenneth San Juan, 23 at nagpakilalang freelance digital artist, at ang runner niyang si Jeffrey Saklaw.

Nakuha rin mula sa mga suspek ang 2 gramo ng shabu at sterile water kung saan hinahalo ang shabu at inilalagay sa mga syringe.

Ang transaction, nangyayari sa Twitter account ni Mark Kenneth.
Strictly online daw ang usapan at kailangan Twitter friends o followers kayo ng suspek bago ka mabentahan.

Naka-penetrate lamang daw ang PDEA agent na naging poseur buyer kaya naisagawa ang buy-bust.

Mas potent o mas malakas at mas mabilis daw ang tama ng injectable shabu dahil-diretso ito sa blood stream at sa nervous system. —KBK, GMA News