Patay ang isang driver ng van matapos itong barilin sa Pasay City ng mga naka-motorsiklong salarin.

Habang tinatahak ng van ang Sta. Escolastic St. sa Barangay 12, nakabuntot dito ang nasabing motorsiklong may dalawang sakay.

Maya-maya pa ay nag-overtake ang motorsiklo sabay paputok ng baril ng angkas nito. Tinamaan ang van driver.

“'Yung van ay may tatlong laman. 'yung isa doon, 'yung driver 'yung namatay at 'yung dalawang passengers ay nag-survive naman," sabi ni Police Colonel Ericson Dilag ng Pasay police.

Nagawa pa ng van driver na kumabig pa-kaliwa, dahilan para maipit sa pader ang motorskilo ng mga salarin.

Naipit pati rider pero nakatayo rin. Sa taranta ng mga salarin, iniwan nila ang motorsiklo at tumakbo.

"Wala tayong identity sa mga suspects though nakita naman natin doon sa mga CCTV footage. Hopefully ma-identify din natin sila," sabi ni Police Col. Ericson Dilag.

Naglunsad na ng operasyon ang mga otoridad para matugis ang mga salarin.

Hindi muna pinangalanan ng Pasay police ang napaslang at ang mga kasama nito habang patuloy ang imbestigasyon.

Tinutunton na rin ng mga otoridad ang may-ari ng motorsiklong iniwan ng mga salarin. — MDM, GMA News