Sa halip na nagluluksa pa sa asawang kalilibing lang, naaresto sa buy-bust operation nitong Martes ng gabi ang isang lalaki sa Barangay Pio del Pilar sa Makati City, ayon sa ulat ni Vonne Aquino sa Unang Balita nitong Miyerkoles.

Kinilala ang suspek na si Ryan Almonte. Kasama niyang naaresto ang jeepney driver na si Carlito Antonio.

 

Apat na sachet ng hinihinalang shabu at mga drug paraphernalia ang nakuha sa mga suspek.

Ayon sa Makati City Police, tauhan ng isang dalawang high value target sina Almonte at Antonio.

Aminado si Almonte na nagbebenta siya ng iligal na droga. Aniya, ito lang ang pinagkukuhanan niya ng panggastos sa araw-araw.

Samantala, apat naman ang naaresto sa isa pang buy-bust operation sa Makati City.

Isang pulis na nagpanggap na buyer ang umiskor kina Susan Baguio, Rodel Tolintino at dalawang umiiskor sa kanila.

Pitong sachet ng hinihinalang shabu at mga drug paraphernalia ang nakuha sa mga suspect.

Aminado si Tolintino na nagbebenta ng shabu pero todo tanggi si Baguio kahit na isa sa mga naaresto ang nagsabing nakabili sa kaniya ng shabu.

Sa ikatlong buy bust operation naman, arestado si Randy Rafael na nakuhanan ng 10 sachet ng suspected shabu at isang patalim.

Aminado naman si Rafael na nagde-deliver siya ng droga sa mga nagpapabili sa kaniya.

Sa tatlong buy bust operation, aabot sa tinatayang mahigit P70,000 ang halaga ng mga nakumpiskang hinihinalang droga. —KBK, GMA News