Sugatan ang taxi driver at kaniyang pasahero nang masalpok ng isang bus sa intersection sa E. Rodriguez Sr. Avenue sa Quezon City, ayon sa ulat ni Vonne Aquino sa Unang Balita nitong Miyerkoles.

Sa kuha ng CCTV, makikitang parehong hindi nagmenor sa intersection ang taxi at ang bus hanggang magsalpukan sila.

Ang taxi patawid ng E. Rodriguez habang ang bus naman ay nasa lane na patungong Maynila.

Sa lakas ng impact nakaladkad pa ng bus ang taxi ng ilang metro hanggang sa sumalpok ang taxi sa pader.

Sugatan ang driver ng Teresita Taxi na kinilalang si Bitoy Rodrigo at ang 61-taong gulang nitong pasahero na si Erlinda Natocyad.

Dinala sa ospital ang dalawang sugatan habang dinala naman sa QC Traffic Sector 4 ang bus driver na kinilalang si Arnel Abogado. 

Pasado 5 a.m. na nang maalis sa kalsada ang nagbanggaang taxi at bus. —KBK, GMA News