Sinabi ni Speaker Alan Peter Cayetano na ginagamit ngayon ang usaping ng franchise renewal ng ABS-CBN para pagbitawin siya sa puwesto bilang lider ng Kamara de Representantes.

Ginawa ni Cayetano ang pahayag matapos sabihin ni Buhay party-list Representative Lito Atienza sa isang panayam sa telebisyon na dapat magkaroon sila ng "another Speaker." Ito ay sa harap ng kawalan umano ng aksiyon ng kapulungan sa mga panukalang batas na nakabinbin sa Kamara tungkol sa prangkisa ng network.

Nitong Lunes, sinabi ni Cayetano na dapat gawin sa plenaryo ng Kamara ang anumang panawagan na magbitiw siya sa posisyon bilang Speaker. Aniya, aalis siya sa puwesto kapag wala na sa kaniya ang tiwala at kompiyansa ng mayorya sa mga mambabatas.

"Marami kaming namo-monitor na issues: una, sa budget; ngayon naman, sa ABS-CBN na ginagamit para sabihin na time na na umalis ako. This is how I know to do my job. Hindi ako marunong na bara-bara," paliwanag niya.

"Kung kayang tanggapin ‘to ng majority ng mga kongresista, thank you. Kung hindi, then it’s time to choose a new leader and bahala na kayo. No problem," dagdag ni Cayetano.

Pero sabi ni Cebu City Representative Raul Del Mar, may-akda ng joint resolution para palawigin ang prangkisa ng ABS-CBN, walang pagkilos para alisin sa puwesto si Cayetano.

Sa panayam ng ANC, sinabi ni Del Mar nitong Miyerkules na iginagalang ng mga mambabatas ang term-sharing agreement nina Cayetano at Marinduque Representative Lord Allan Velasco tungkol sa speakership.

"There is no coup to unseat the Speaker. Everybody knows that there is an agreement and it's being respected that Speaker Cayetano serves the first half of term, and Cong. Lord Allan Velasco will assume the second half," ani Del Mar. — FRJ, GMA News