Patay ang isang mekaniko nang pagbabarilin sa loob ng shop na kaniyang pinagtatrabahuhan sa Quezon City.

Iniulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Huwebes na nangayari ang pamamaril sa Barangay Pasong Tamo.

Suspetsa ng mga kamag-anak ng biktimang si Reymart Bucad, 21, maaaring may kinalaman sa karera sa motorsiklo ang motibo sa krimen.

Sa inisyal na impormasyong nakalap ng mga pulis mula sa mga kamag-anak ni Bucad, mahilig itong mangarera ng motorsiklo, at noong nakaraang Miyerkules, nag-upload pa ito ng video sa kaniyang social media account, kung saan kasama siya sa karera sa Commonwealth Avenue.

Pero, yun na lang pala umano ang huli niyang pangangarera.

Ayon sa mga residente sa lugar, tatlong putok ng baril ang narinig nila.

Isinalaysay ng barangay administrator na si Mark Jalandoni, “May huminto po tapos pumasok akala nila magpapagawa ng motor. Tapos sinabi umano ng biktima ‘o, pare’ tapos ayon bumunot at binaril ng isa sa mga magkaangkas sa motorsiklo.

Dead on the spot si Bucad, at nasugatan naman ang lalaking nakatambay matapos madaplisan.

Makikita sa CCTV footage ang pagtakas ng dalawang magkaangkas na suspek patungo sa direksyon ng Sauyo.

Patuloy ang imbestigasyon ng mga pulis sa insidente. —LBG, GMA News