Isang lalaki ang namaril ng isang security guard at nang-hostage ng ilang empleyado sa isang mall sa Greenhills, San Juan nitong Lunes.  Ang suspek, isang security guard din na sinibak daw sa trabaho.

Ayon kay San Juan City Mayor Francis Zamora ,  ilang katao ang hostage ngayon ng suspek. Isang security guard din ang sugatan matapos barilin ng suspek.

“Safe naman sila. Mayroon tayong konting communication pero ‘yun lang puwede ko sabihin,” ayon sa alkalde patungkol sa kalagayan ng mga hostage.

Sinabi ni Zamora na hinihingi umano ng suspek na makipag-usap sa ibang security guard at miyembro ng media.

“Masama ang kaniyang loob sapagkat siya’y tinanggal bilang guwardiya," anang alkalde.

"Una, hinihikayat niya ‘yung ibang guwardiya na sumama sa kaniya ngunit walang sumama,” dagdag nito.

Sa isang pahayag ng Greenhills Center Management,  kinumpirma nila na dating security guard ang nang-hostage sa ilan nilang empleyado.

Dinala naman sa ospital ang nasugatang security.

"Our priority right now is to ensure the safety of the employees, and of the public," dagdag nila sa pahayag.

Sinabi naman ni Zamora na hindi pa niya batid ang dahilan kung bakit inalis sa trabaho ang suspek.

May negosyador na umanong namamahala sa sitwasyon.—FRJ, GMA News