Plano umano ng hotel industry na bawasan ang kanilang singil para mahikayat ang mga Pinoy na mamasyal sa bansa bunga na rin ng pagkalugi sa harap ng pangamba ng mga tao sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Sa panayam ng GMA News, sinabi ni Rafael Chico, kinatawan ng Philippine Hotel Owners Association (PHOA), na kalahati sa tinatayang P44 bilyon na pagkalugi ng industriya ng  turismo dahil sa COVID-19,  ay maaring manggaling sa hotel industry.

"Sa hotel, I believe mas malaki ang percentage niya sa hotel. Siguro kung ipo-pro rata mo 'yung P44 billion, nasa 50% 'yan palagay ko," pahayag ni Chico, na kabilang sa mga dumalo sa pagdinig ng House Committee on Labor and Employment nitong Martes.

"That's inclusive of the hotel revenue, because there were so much cancellations already because of the travel ban and lockdown ng mga airports and flights, so the hotel industry is really much affected at this time," paliwanag pa niya.

Dahil sa COVID-19, nagpatupad ng travel ban ang Pilipinas sa mainland China, Hong Kong, Macau, at ilang lugar sa South Korea.

Kamakailan lang ay inalis na ang travel ban sa Hong Kong at Macau para sa mga OFWs, students, at permanent residents.

Batay sa datos ng Department of Tourism, nangunguna ang South Korea sa pinakamaraming dayuhan na bumisita sa Pilipinas noong 2019, kasunod nito ang mga Chinese.

Nitong nakaraang Pebrero, inihayag ni Pangulong Rodrigo Duterte ang hangarin niyang palakasin ang lokal na turismo bunga na rin ng epekto ng coronavirus sa mga dayuhang turista.

"There are some hotels greatly affected and they are now thinking of promoting cost reduction program," saad ni Chico.

"If we will be able to promote the domestic tourism in the country, we will be able to bounce back and we will be able to at least cope with this negative effect of the reduced influx of tourists into our country," ayon pa kay Chico.

Kabilang sa mga hotel na plano raw na magbawas ng singil ay ang Okada Manila, na ayon kay Chico ay maaaring magpatupad ng 40% promo rate.

"I was meeting with some of the officers and they are willing to offer a package that will be very attractive to stay and of course, to play around in the premises," sabi ng opisyal.

May ibang hotel din umano na nagpaplanong bawasan ang oras ng trabaho ng kanilang mga manggagawa upang mabawasan ang gastusin sa operasyon.

"Maybe 'yung compressed work hours land or flexibility work arrangement na tinatawag. Halimbawa, 'yung 48 hours puwedeng maging five days na lang or 32 hours sa back of the house 'yung mga admin staff," paliwanag niya. — FRJ, GMA News