Hindi nilubayan ng isang dalagita ang lalaking humablot sa kaniyang cellphone sa Caloocan City kahit pa sumabit siya sa tricycle at tumakbo. Pero ang biktima, may sakit pala sa puso at bigla na lang hinimatay sa kalsada.

Sa ulat ni Mai Bermudez  sa GMA News "Unang Balita" nitong Biyernes, napag-alaman na naglalakad pauwi ang grade 10 student na si Rovie Rose Paraguya, sa 8th Avenue, Caloocan nitong Huwebes ng gabi nang hablutin ng salarin ang kaniyang cellphone.

Matapos agawin ang cellphone ng biktima, sumakay muli sa tricycle ang snatcher pero hinabol sila ni Paraguya.

"May tumabi po sa aking tricycle tapos po bumaba po iyong isang lalaki tapos hinablot niya po iyong phone ko. Bumalik po siya ng tricycle nun pagkatapos," kuwento ng biktima.

Pero umikot daw muna ang tricycle ng mga salarin kaya nagkaroon siya ng pagkakataon na sumabit sa likod ng sasakyan.

May pagkakataon pang nakaladkad ng tricycle ang biktima pero hindi siya basta bumitaw hanggang sa ibangga ng mga salarin ang sasakyan at patakbo na lang tumakas.

Pero hinabol pa rin sila ng dalagita at nagsisigaw na para makahingi ng tulong sa mga tao sa lugar.

Sa kuha ng CCTV, makikita ang snatcher na ibinato sa isang nagulat na lalaking nagbibisikleta ang cellphone ng biktima na nakabuntot pa rin sa kaniya.

Pero nang ibibigay na ng lalaking nakabisikleta ang cellphone sa biktima, bigla namang nawalay ng malay ang dalagita na mayroon palang sakit sa puso.

Dahil sa pagkakabagsak sa kalsada, nabagok pa siya na dahilan para magkaroon siya ng malaking bukol sa ulo.

Nang magkamalay, kaagad siyang dinala sa pagamutan.

Nahuli naman ang dalawang suspek at bugbog-sarado sa mga tao ang lalaking humablot mismo sa cellphone ng biktima.--FRJ, GMA News