Inaresto ang isang make-up artist sa Marikina matapos umanong murahin at saktan ang mga awtoridad na sumita sa kanyang paglabag sa curfew, ayon sa ulat ni Allan Gatus sa Dobol B sa News TV nitong Linggo.

Sinita ng mga police at ilang opisyal ng barangay nitong Sabado si Alvin Bunda, 22 anyos, at kanyang mga kasama na naglalakad pa sa kalye sa Barangay Tumana kahit maghahatinggabi na.

Minura, sinapak, at sinabunutan daw ng make-up artist ang mga awtoridad na sumaway sa kanila.

Umiiral ang curfew hours sa lugar mula 8 p.m. hanggang 5 a.m. bilang parte ng enhanced community quarantine para sa pagkontrol ng pagkalat ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Agad na dinala ng mga awtoridad si Alvin sa presinto ng Marikina City Police, ayon sa Eastern Police District. —Joviland Rita/LBG, GMA News