Pumalo sa 552 ang kabuuang bilang ng mga nagpositibo sa coronavirus disease 2019 (COVID-19 ) ngayong Martes, ayon sa Department of Health.

Sa press briefing, inanusyo ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, na 90 ang positibong kaso na nadagdag sa listahan ngayong Martes.

Nadagdagan naman ng dalawa ang nasawing pasyente para sa kabuuang bilang na 35, habang dalawa rin ang nadagdag sa mga gumaling para sa kabuuang bilang na 20.

Samantala, 704 katao naman na isinailalim sa COVID-19 test ang nagnegatibo.

Sa online COVID-19 tracker ng DOH, nakasaad na 1,622 ang naisagawang pagsusuri, at mayroong 606 persons under investigation at 6,321 under monitoring.

Una nang sinabi ni Vergeire na ang pagdami ng mga positibong kaso ay bunga ng pagtaas din ng kapasidad ng bansa na magsagawa ng COVID-19 test.--FRJ, GMA News