Inihayag ni Senador Aquilino Pimentel III nitong Miyerkules na nagpositibo siya sa  coronavirus disease  2019 (COVID-19). Nalaman daw niya ang resulta habang nasa ospital siya para samahan ang manganganak na misis.

"I was informed late last night March 24, 2020 that I have tested positive for the COVID-19 virus. The swab was taken last Friday, March 20, 2020," ayon sa pahayag ni Pimentel.

"Since the last day of session March 11, 2020 I had already tried my best to limit my movement. I will call (to the best of my ability) those I remember meeting during those crucial days so that I can inform them of my test result," dagdag niya.

Tiwala naman ang senador na "on the way to recovery" na siya.

Pero hindi umano niya masasamahan ang kaniyang asawang si Kath.

Inihayag din niya na sinamahan pa niya sa ospital nitong Martes ang ang kaniyang asawa pero umalis din daw siya kaagad nang malaman niya ang resulta ng COVID-19 test.

"Yes (I was with Kath yesterday) as she  was scheduled to give birth this morning. I received the call from RITM when I was already in the hospital last night hence I left immediately," dagdag niya.

Naka-self-quarantine pa siya  pero bumubuti na raw ang kaniyang pakiramdam.

Nakaranas daw siya ng lagnat noong March 18 at slight sore throat, body pain, at diarrhea.

Pinasalamatan ng senador ang mga health care worker na tinawag niyang mga bayani dahil sa pagsisilbi sa bayan sa harap ng banta ng COVID-19.

Nitong nakaraang linggo, inihayag din ni Sen. Juan Miguel Zubiri ang pagiging positibo niya sa virus at hindi na siya lumabas ng kuwarto bago pa man lumabas ang resulta ng pagsusuri.— FRJ, GMA News