Tatlo ang patay, kabilang ang suspek, sa insidente ng pananaksak sa loob ng New Bilibid Prison sa Muntinlupa City. Ang salarin, hinihinalang nainip sa hinihintay na good conduct time allowance o GCTA kaya nagwala.

Sa ulat ni Luisito Santos sa Super Radyo DZBB nitong Miyerkules, kinilala ang mga biktima na sina Ryan Aringo at Amber Caha, at ang nasawi ring suspek na si Pedro Pagador.

 

 

Sinabi ni Bureau of Corrections spokesperson Superintendent Gabriel Gabriel Chaclag, na nangyari ang insidente sa loob ng maximum security compound Martes ng madaling araw.

Ayon sa imbestigasyon, bigla na lamang umanong pinagsasaksak ni Pagador ang kaniyang mga kapwa preso. Sinubukan siyang awatin ng iba pang bilanggo pero nagpumiglas ang suspek.

Dahil dito, napilitang gumanti ang mga preso na nagresulta sa pagkakasugat sa suspek.

Naisugod pa sa NBP hospital ang dalawang biktima pero binawian din ng buhay bunsod ng tama ng saksak sa katawan, pati na rin ang suspek.

Isa sa mga tinitingnang anggulo ng BuCor sa pag-aamok ng suspek ay ang pagkainip nito sa paghihintay sa kaniyang good conduct time allowance.-- FRJ, GMA News