Dahil sa hindi umano pagdedeklara ng sapat na impormasyon nang pumunta sa Malacañang, pinag-aaralan ngayon ng Presidential Security Group (PSG) na kasuhan si ACT-CIS party-list Representative Eric Go Yap na lumitaw nitong Miyerkules na positibo sa COVID-19.

Ayon kay PSG commander Colonel Jesus Durante III, hindi nagsumite ng sapat na mga impormasyon si Yap nang pumunta siya sa Palasyo para sa isang pagpupulong noong Marso 21. Kabilang dito ang tungkol sa kaniyang exposure sa taong nagkaroon ng virus at naramdamang mga sintomas.

“For whatever reason, he failed to disclose all needed information. PSG troopers on duty assessed him according to the answers on the said form he submitted, the basis of which he was allowed entry,” sabi ni Durante.

“If really needed we could file a case against him for breach [of protocols],” dagdag niya.

Nitong Miyerkules, ibinalita ni Yap na positibo ang resulta ng kaniyang COVID-19 test.

Bukod sa pagpunta sa Palasyo, dumalo rin si Yap sa special session ng Kamara de Representantes noong Lunes.

Mula pa noong Pebrero, inatasan na ng PSG ang mga pumapasok sa Palasyo na ideklara ang lagay ng kanilang kalusugan at travel history bilang pag-iingat laban sa novel coronavirus.

Ang mga hindi magbibigay ng tamang impormasyon ay maaaring makasuhan alinsunod umano sa Revised Penal Code tungkol sa "crime of falsification of documents."

Dahil sa ginawa ni Yap, sinabi ni Durante na nasa 20 PSG at Office of the President personnel ang naka-self-quarantine.

Kasabay nito, isasama na rin umano sa katanungan ng mga bibisita sa Palasyo kung kumuha sila ng COVID-19 test.

Dahil sa banta ng virus, nilimitahan ng PSG ang mga dindaluhang pulong ni Pangulong Rodrigo Duterte.--FRJ, GMA News