Agaw-pansin umano ang isang kabaong na nakalagay sa isang public market sa Caloocan City sa gitna ng ipinaiiral na community quarantine.

Iniulat sa "24-Oras Weekend" nitong araw ng Linggo na inilagay ang kabaong sa Malaria Public Market ng lungsod, at may nakasulat dito na "STAY AT HOME OR STAY INSIDE."

Pahayag ng mga opisyal ng Barangay Marlaria, nagsisilbi umanong babala ang kabaong para sa mga residenteng matitigas ang ulo at hindi sumusunod sa mga patakaran ng enhanced community quarantine laban sa pagkalat ng COVID-19, at patuloy pa rin ang paggala.

Sadya umanong ipinuwesto ang kabaong sa palengke upang marami ang makakita nito.

Hindi naman umano ikinababahala ng mga nagtitinda sa palengke ang kabaong, ayon sa balita. —LBG, GMA News