Inihayag ni Pangulong Rodrigo Duterte ang paglalaan ng pamahalaan ng P200 bilyong pondo na ibibigay na ayuda sa mga pinakamahihirap na komunidad na naapektuhan ang kabuhayan dahil sa ipinatupad na community quarantine para pigilan ang pagkalat ng COVID-19 sa bansa.

"We have allotted P200 billion for low-income households who are badly affected by the current crisis. Sila ang nasa informal sector and those who live day to day on subsistence wages or no work no pay," pahayag ni Duterte sa televised address nitong Lunes bago maghatinggabi.

Inilarawan niya ang inilaang pondo ang pinakamalaking social assistance program sa kasaysayan ng bansa dahil sa malaking epekto ng virus.

"Arrangements, beneficiary households will receive emergency support for their 2 months based on the regional minimum wage," dagdag niya.

Kasabay nito, nanawagan ang pangulo sa mga nakaririwasa na patuloy na tumulong sa mga nangangailangan.

"To those who have more in life, I implore you to share in the cost of taking share of the less fortunate and keeping our society intact. They have also contributed to our prosperity in one way or the other so let us support them," patuloy niya.

Kasabay nito, iginiit ng pangulo na hindi ito ang panahon para kumita at magsamantala kaya binalaan niya ang mga mahuhuling mandaraya sa mga ipagkakaloob na tulong pinansiyal, gamit at mga pagkain sa mga tao at mga nangangailangan.

“I am not a cruel man pero kung may report ang pulis, I will order your detention hanggang matapos itong COVID-19,” babala ni Duterte.

“‘Wag na ‘wag kayong mandaya, mangurakot, at taguin ‘yung mga pagkain at ‘yung iba hindi bigyan… kung mamulitika ka tapos mabalitaan ko na ‘yan ang ngawa mo, I will suspend you ora mismo. And for those who are really absconding the money, I will detain you, and maybe I will release you pagkatapos ng COVID-19,” dagdag niya.

Nasa ikatlong linggo na ang pagpapatupad ng pinaigting na community quarantine sa Luzon.--FRJ, GMA News