Dinakip ng mga awtoridad nitong Miyerkoles ang ilang residente ng Sitio San Roque sa Barangay Bagong Pag-asa, Quezon City matapos silang magbarikada sa may Quezon Avenue, kanto ng EDSA.

Inilahad ng mga residente na wala silang nakukuhang tulong mula sa barangay, sa local government ng Quezon City at sa national government kaya napilitan na silang magbarikada, ayon sa ulat ni Allan Gatus sa Dobol B sa News TV nitong Miyerkoles.

 

Bukod sa nalalabag ang social distancing dahil sa banta ng COVID-19, nagkaroon pa ng insidente ng batuhan kaya napilitan na ang mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD) na buwagin na ang barikada at pagdadamputin ang ilan sa mga residente.

Ayon sa QCPD, nasa 20 residente ang nadakip ng mga awtoridad bandang alas-onse ng umaga. Pinamumunuan daw ni Jocy Lopez, 47, ang mga residenteng nagbarikada. 

Dumating na rin ang truck ng bumbero upang tumulong na mabuwag ang barikada.

May isang eskinita na binabantayan ng SWAT Team dahil dito nagtakbuhan ang iba pang residente.

Ayon sa pulisya, sinubukan nilang pauwiin ang mga residente subalit tumanggi ang mga ito kaya't sila'y inaresto.

Sa hiwalay na ulat ni Allan Gatus sa Dobol B sa News TV, itinuro ni Rannie Ludovica, Action Officer ng Task Force Disiplina ng Quezon City, ang Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay) bilang nasa likod na umano ng paghihikayat sa mga residente ng Sitio San Roque na hindi nakatatanggap ng relief goods na magbarikada.

Ayon kay Ludovica, ipinagkalat umano ng Kadamay na may mga mamimigay ng tulong sa EDSA kaya sumama ang mga residente.

Ilang residente rin ang nagsabi na miyembro sila ng Kadamay, at napilitan silang pumunta sa gilid ng EDSA para maghintay ng tulong ng relief goods na manggagaling sa barangay at Quezon City.

Gayunman, tiniyak ni Ludovica na makatatanggap ng tulong ang mga taga-Sitio San Roque dahil ginagawan na ito ng paraan ng pamahalaang lungsod ng Quezon.

Sinabi pa ni Ludovica na hindi lang Sitio San Roque ang namomroblema na hindi sila nakatatanggap dahil may iba pang lugar, pero tinitiyak niya na lahat ng mga nasa Quezon City ay ginagawan na ng paraan na makatanggap ng relief goods kasunod ng ipinatutupad na enhanced community quarantine.

Sakop ng Barangay Bagong Pagasa ang Sitio San Roque, at ito ang isa sa mga sinisisi nila na hindi raw naghahatid ng tulong sa kanila.

Makikiusap din aniya ang opisyal sa QCPD na huwag nang kasuhan ang mga residente na pinagdadampot, at pakawalan na sila.

Nasa kustodiya na ng QCPD Criminal Investigation and Detection Unit ang mga naarestong residente para sa pagsasampa ng kaso dahil sa kanila umanong paglabag sa Republic Act 11469 (Bayanihan to Heal As One Act) at Republic Act 11332 (Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Events of Public Health Concern Act).

Nanawagan naman ang hepe ng National Capital Region Police Office na si Police Major General Debold Sinas na manatili na lamang sa kani-kanilang tahanan ang mga residente. 

"I understand the challenges that go with the implementation of our enhanced community quarantine endeavor. However, we have our own sacrifices to make to win this battle with the unseen. The safest place to be right now is at home," saad ni Sinas.

Kinondena naman ng Bagyong Alyansang Makabayan (Bayan) ang pag-aresto sa mga residente ng Sitio San Roque.

"Bakit kailangan arestuhin ang mga nagugutom at humihingi ng pagkain? Masasagot ba ng pandarahas ang kalam ng sikmura nila? Sila ba ay hahayaan na lang nating tahimik na mamatay sa gutom?" saad ni Bayan Secretary General Renato Reyes.

Ayon kay Reyes, ang ginawang protesta ng mga residente ay "spontaneous" at hindi planado. 

Hindi rin daw sangkot ang Kadamay.

"It was a local organization... Gutom lang talaga," ani Reyes sa mensaheng ipinadala sa GMA News Online.

Nangako noon si Quezon City Mayor Joy Belmonte na mamimigay ang lokal na pamahalaan ng 400,000 food packs kada linggo habang naka-enhanced community quarantine ang buong Luzon. —KG/KBK, GMA News