Mahigit 3,000 katao ang pumila sa barangay hall ng Baclaran sa Paranaque na may mga dalang form na mula umano sa Department of Social Welfare and Development para mabigyan sila ng P5,000 hanggang P8,000 ayuda mula sa gobyerno. Pero ang mga form na kanilang binili mula sa mga hindi kilalang tao, peke pala.

Sa ulat ni Darlene Cay sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkoles, sinabing mga walang barcode ang mga pekeng form na inasahan ng mga tao na makatutulong sa kanila upang may maipanggastos ngayong umiiral ang community quarantine.

"May dumating 'yung isang babae [sabi] itong form binebenta ko. Sabi ko, magkano naman? Sabi niya 10. Dumating naman 'yung kasamahan niya pero di ko kilala talaga, nagbulungan sila," sabi ng residenteng si David Madcasin.

"Ang hirap po talaga ma'am kasi sa ngayon nangangapa pa kami sa dilim, kung saan ka kukuha ng kakainin sa maghapon," ayon naman kay Rodel Gloria.

Nagulat na lamang si Jun Zaide, chairman ng barangay Baclaran, nang dumagsa ang mga tao sa barangay hall nitong Martes para i-claim ang sinasabing ayuda.

"Wala pang mandato ang taas, walang kinalaman po ang barangay dito. Huwag niyong linlangin ang taong bayan. Isipin niyo kung gaano karami po itong mga ito. Wala na ngang social distancing oh," sabi ni Zaide.

"Ang hinahabol nila 'yung pera talaga, 'yung P5,000 to P8,000 na kung saan diumano pinapangako na makukuha diumano nila. Kaya tayo, ipinaliwanag natin 'yung side ng gobyerno. Kaya nga masakit po dito, sa hirap na nga ng buhay ng mga tao, may nagsasamantala pa," sabi pa ni Zaide.

Tinutugis na ng mga awtoridad ang mga nagbebenta ng mga pekeng form.

Samantala, pinoproseso na raw ng lokal na pamahalaan ang emergency subsidy program.

Pagsiguro pa ng mga opisyal ng Paranaque, ibibigay sa bawat tahanan ang social amelioration card forms nang libre at hindi ibebenta.

"Sa mga oras na nag-uusap po tayo, nag-i-start pa lang po kami mag-download ng printing ng forms na ito. Kaya ho noong nakarating na information na meron na daw nagbibigay, fake po iyan at huwag po silang maniwala," sabi ni Ding Soriano, Paranaque City Administrator.

Ipinamamahagi ng pamahalaan ang food packs para sa mga residente, at tig-P1,000 halaga ng voucher para sa mga senior citizen at mga driver na hindi makabiyahe.

Sa multicab na natutulog ang pamilya ni Arlene Iglesia. Bawal bumiyahe ang kaniyang asawa at wala na ring bumibili sa kakaunti niyang paninda kaya inasahan na lang nila ang binigay na food pack.

"Talagang napakahirap. Minsan sabi ko, ayaw man naming magtinda dahil sa virus na sinasabi pero wala kaming choice, talagang paglabanan namin 'yung virus kaysa magutom kami," sabi ni Iglesia.

Samantala, wala pang natatanggap na tulong mula sa pamahalaan ang 71-anyos na si Aling Leonita Villahermosa.

"Mabigat ang problema, wala akong bahay, nakikituloy lang ako sa kaibigan ko, mabait naman. Doon lang ako sa pasilyo," sabi ni Aling Leonita.

Tuloy-tuloy naman ang pamamahagi ng lokal na pamahalaan ng Paranaque.

"The vision is hangga't maaari makatanggap lahat kasi lahat naghihirap sa mga panahon na ito pero gaya ng sabi mo, mayroong priority na ginagawa po natin, distribution ng GSO natin na unang-una, ang vulnerable sectors then 'yung mga indigent natin," sabi ni Soriano.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News