Mahaharap sa kaso ang hindi bababa sa sampung residente ng Barangay Addition Hills sa Mandaluyong matapos mahuli-cam na nagkukumpulan habang nanonood ng umano ay sabong ng manok.

Sa panayam sa Dobol B sa News TV nitong Miyerkules, sinabi ni Barangay Captain Carlito Cernal na may mga naaresto na at may mga hinahanap pa.

"Mayroon na po kaming nahuli kagabi, sampu na po iyon. Pinakasuhan na ng mayor at ina-identify pa po namin 'yung mga nasa picture ngayon and iniisa-isa po naming madala sa PNP namin," sabi ni Cernal.

Wala na raw sa lugar ang mga taong nakunan ng litrato nang rumesponde ang mga barangay tanod pero batay sa kanilang imbestigasyon hindi naman totoong sabong ang nangyari.

"Ang nangyari pala kahapon hindi naman totally nagsabong, parang nagbitaw lang po ng manok. In-exercise," ayon sa kapitan.

"Wala naman kaming nakita na may dugo o balahibo ng manok," dagdag pa niya.

Kumalat sa social media nitong Martes ang larawan ng hindi bababa sa 20 residente ng Barangay Addition Hills habang dikit-dikit na nakapalibot sa dalawang manok na panabong.

Makikitang hindi sinunod ng mga residente ang social distancing para maiwasan ang pagkakahawahan ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Payo ni Cernal sa mga kabarangay, sumunod sa mga patakaran para maituon ng mga lokal na opisyal ang atensyon at oras sa pamimigay ng ayuda.—AOL, GMA News