Mahigit sa 50 ng 83 na psychiatrist ng National Center for Mental Health sa Mandaluyong City ang naka-quarantine ngayon dahil sa COVID-19.

Sa "Stand For Truth" ni Atom Araullo, sinabing nitong Abril 5, 34 na ang positibo sa COVID-19 sa ospital, kung saan 28 dito ay mga doktor, nurse at staff.

PUI ang 297 sa mga empleyado nila at 181 naman ang PUM.

“There’s really a high infection rate among employees here. It’s quite alarming, but I hope this will be contained,” sabi ni NCMH chief administrative officer Clarita Avila.

Ayon kay Avila, kumalat ang sakit sa Pavilion 38 kung saan namamalagi ang mga nakatatandang pasyente.

Nagpositibo raw ang isa sa kanilang mga empleyado, na siya namang ikinahawa ng ilang pasyente.

Anim ang dinala sa infirmary at sumailalim sa isolation pero tatlo sa mga pasyente ang pumanaw na.

"And I'm just really worried about 'yung mga kasama pa niya doon sa Pavilion 38 because we have 48 patients in there. I hope they're not positive 'yung kaniyang mga kasamahan doon," ani Avila.

Dahil sa pangyayari, patuloy pang nalalagasan ang health care workers ng nasabing hospital.

"What I heard from our doctors as of today, around 50 more or less nag-high at risk, are on quarantine. We have 83 psychiatrists," ayon kay Avila.

"Konti na lang 'yung mga nagre-report kasi most of our employees nga, PUI, PUM. Of the nursing staff who are directly involved in treating our patients, 30% of the nursing population do not report anymore," saad pa ng NCMH chief.

Dumaing din ang ilang frontliner ng ospital sa social media sa kakulangan ng kanilang mga PPE.

Isa ring hindi nagpakilalang empleyado ng NCMH ang nag-post ng open letter sa Facebook at idinetalye ang mga nangyayari sa ospital.

Isinaad ng empleyado na hindi nabibigyan ng suporta ang health care workers ng ospital na PUI o positibo na sa sakit.

Kinumpirma naman ito ni Avila.

"My appeal is, 'pag healthcare worker po sana ang nagkaroon ng positive COVID, na-acquire naman nila 'yun sa kanilang work sa ospital, sana may fast lane for the health workers. Wala po," anang NCMH chief.

"To give you an example we have one employee here na COVID positive na senior citizen, 45 days siya for tent. Eh ang init, wala namang CR sa tent, nakakaawa. Para bang kaniya-kaniya na lang sila," sabi ni Avila.

Nanawagan din si Avila sa mga maaaring mag-donate ng mga PPE para sa kanilang frontliners.--Jamil Santos/FRJ, GMA News