Dalawang lalaki na nagpenitensya sa kalsada sa Pasay City nitong Biyernes Santo ang dinakip ng mga pulis dahil sa pagsuway sa enhanced community quarantine.

Batay sa paunang ulat sa tanggapan ni Pasay City Police acting chief Police Colonel Ericson Dilag, lumitaw na nagsasagawa ng Oplan Bandillo ang mga pulis para ipatupad ang enhanced community quarantine nang mamataan ang dalawang lalaking nagpepenitensya sa Arnaiz Avenue.

Una nang inihayag ng National Capital Region Police Office na ipinagbabawal muna ang mga church activity, tulad ng mga prusisyon at Visita Iglesia, ngayong Semana Santa kaugnay na rin ng umiiral na ECQ para hindi na kumalat pa ang COVID-19.

Hinikayat rin ng pulisya ang mga tao na sa kanilang mga bahay na lamang magdasal at magnilay.

Bukod sa dalawang nagpepenitensya, siyam na iba pa ang inaresto dahil sa paglabag sa ECQ.

Dinala sila sa covered court ng Villamor Airbase Elementary School sa Barangay 183 para ipapanood ang palabas na tumatalakay sa COVID-19.

Ayon kay Dilag, pinauwi rin ang mga inaresto makaraan ang limang oras.—FRJ, GMA News