Pinauwi ng mga awtoridad ang mga deboto na planong magpunta sa saradong Quiapo Church ngayong Biyernes Santo dahil pa rin sa banta ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Sa ulat ng GMA News' COVID-19 bulletin, sinabing nagtipon-tipon pa ang ilang deboto sa kalsada at ilang nakasarang establisimyento na malapit sa simbahan.

Pero hindi sila pinayagan ng mga awtoridad na magtagal sa lugar at sa halip ay hinikayat silang umuwi na lang at sa bahay na lang manood ng mga misa na napapanood sa internet.

Samantala, nagbukas naman ang Redemptorist Church sa Baclaran pero mahigpit ang pagpapatupad ng "no face mask, no entry" policy ng mga awtoridad.

Nitong Biyernes, iniulat ng Department of Health na 4,195 na ang COVID-19 cases sa bansa, 221 ang nasawi, at 140 ang gumaling.— FRJ, GMA News