Idinaan ng kapitan ng Barangay Matandang Balara sa Quezon City sa isang "drama" ang kanilang information drive para paalalahanan ang mga tao na huwag nang pagala-gala sa kalye habang patuloy ang krisis sa COVID-19.

Sa ulat ni Saleema Refran sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkoles, makikita sa demo video ang isang babae na umiiyak at may halong paninisa sa isang lalaki na tinamaan kunwari ng virus habang inilalabas ng bahay ng mga miyembro ng COVID-19 response team.

"Para lalong maramdaman ng ating mamamayan ang ating panawagan at sila ay sumunod sa batas nang makita kung ano 'yung kahihinatnan nila pagka matigas 'yung kanilang ulo," sabi ni Allan Franza, chairman ng Bgy. Matandang Balara.

Isang utility worker sa barangay si Florida Evangelista, na siyang todo acting at umiiyak sa demo video.

"Ang akin lang po, talagang bukal sa puso ko po ang magsalita ng ganoon kasi po talaga po namang marami po ritong matitigas ang ulo, hindi nakikinig," sabi ni Evangelista.

Naka-total lockdown na ang Matandang Balara at may inilaan lang na window hours para sa mga lalabas na may quarantine pass.

Sa nasabi kasing barangay, 27 na ang kaso ng COVID-19 at lima na ang nasawi.

SAP card sa Brgy. Tatalon

Samantala sa Barangay Tatalon sa Quezon City din, namahagi na ng social amelioration cards ang City Social Services and Development Department at mga opisyal ng barangay sa Purok 10 Area 2.

Kinakapanayam pa rin sila ng social worker kahit social worker kahit nasuri na ang mga bibigyan.

Kasama sa programa ang informal workers, pati ang distressed OFWs tulad ni Diony Flojo, OFW sa Saudi.

"Pagbalik ko ho ng March 20, hindi ho ako nakabalik eh, gawa ng lockdown sa Saudi," sabi ni Flojo.

Gayunman, marami pa rin ang hindi nabigyan, tulad ni Erwin Convocar, tricycle driver at crime watch volunteer dahil kawani siya ng barangay, na binigyan na ng allowance.

"Nakakapanghinayang po, lalo ngayon wala po kaming pinagkukuhanan at marami kaming gastusin. Sa ngayon po meron po kaming namatayan po ngayon, wala rin po kaming panggastos pagpapalibing," ayon kay Convocar.

"Napakahirap po na ibigay ang tulong kung kulang, masakit po sa kalooban namin na 'yung magkapitbahay 'yung isa hindi mabibigyan," sabi ni kagawad Zeny de Jesus, Brgy. Tatalon.

Sa mahigit 23,000 kabahayan sa Bgy. Tatalon, mahigit 8,000 lang ang nabigyan ng alokasyon sa SAP.

"Kasi 'yung iba napanood sa Facebook na sinasabi ng politiko na lahat po daw mabibigyan. Kaso nga lang po, 'yung pondo na ibinaba sa local, hindi ko kayang masakop lahat ng pamilya lalo na ho sa laki ng Quezon City," sabi ni Voy Isaac Bautista, social welfare officer, QC SSDD.

Matapos ang tricycle driver operators at operators, nagsimula na ring mamahagi ng tig-P2,000 ayuda sa Kalingang QC program para sa jeepney drivers. Decentralized na ang pamimigay, na dating sa city hall lang.

Mayroon sa Cathedral Shrine of the Good Shepherd sa Fairview na mga taga-city hall at church volunteers ang nag-aasikaso.

"Kapag mainit ang ulo, medyo pagod na, siguro ang importante magdasal para maibsan 'yung mga init ng ulo at kainitan sa paghihintay," sabi ni Fr. Tony Labiao, Rector ng Cathedral Shrine of the Good Shepherd.

Nagbigay naman ng facemask ang Quezon City local government ang 20 katao na nahuling lumalabas na walang suot nito.

Naka-schedule sa mga susunod na araw ang pamamahagi ng P2,000 na ayuda mula sa Kalingang QC program para sa solo parents, PWD at senior citizen.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News