Isang 28-anyos na buntis na nurse ang nadagdag sa humahabang listahan ng mga medical frontliner sa United Kingdom na nasasawi sa COVID-19. Sa kabila nito, nailigtas naman ang sanggol sa kaniyang sinapupunan.

Sa ulat ng Agence France-Presse, kinilala ang nasawing nurse na si Mary Agyeiwaa Agyapong, nakatalaga sa general ward ng Luton and Dunstable University Hospital sa London.

Hindi pa malinaw kung nahawahan din ng virus ang kaniyang baby.

Ayon sa Bedfordshire Hospitals NHS Foundation Trust, nagpositibo sa COVID-19 si Agyapong noong Abril 5 at naratay sa ospital na kaniyang pinagtatrabahuhan noong Abril 7.

"It is with great sadness that I can confirm the death of one of our nurses, Mary Agyeiwaa Agyapong, who passed away on Sunday," sabi ni David Carter, chief executive ng foundation.

"Mary worked here for five years and was a highly valued and loved member of our team, a fantastic nurse and a great example of what we stand for in this trust.

"Our thoughts and deepest condolences are with Mary's family and friends at this sad time," dagdag niya.

Tulad ng ibang bansa, nagiging usapin din sa UK ang umano'y kakulangan ng personal protective equipment para sa frontline healthcare staff sa kanilang mga ospital sa panahong ito ng krisis.

Samantala, inihayag naman naman na isang 106-anyos na babae na si Connie Titchen, ang pinaniniwalaang pinakamatandang COVID-19 patient sa Britanya ang gumaling sa mga komplikasyong dulot ng virus.

Ayon sa mga duktor sa City Hospital sa Birmingham, England,  nasa tatlong linggo ang itinagal ng pakikipaglaban ni Titchen sa virus.--AFP/FRJ, GMA News