Iminungkahi sa pamahalaan ng eksperto mula sa University of the Philippines (UP) na ipagpaliban ang pagbubukas ng klase hanggang Disyembre para mapigilan ang pagkalat ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Sa televised briefing nitong Martes, sinabi ni UP Resilience Institute executive director Mahar Lagmay, na batay sa model na inihanda ng UP COVID-19 Pandemic Response Team, lumilitaw na pinakamataas ang social interaction ng taong nasa edad 0 hanggang 19 o 56 percent.

Sumunod naman ang mga nasa edad 20 hanggang 39 (29%), 40 hanggang 59 (13%) at 60 pataas (2%).

“Base doon sa mga models, kapag walang klase hanggang December ay malaki po ang maibabawas natin sa transmission ng COVID-19,” paniwala ni Lagmay.

Sa ngayon, mayroon nang 6,599 COVID-19 cases sa Pilipinas kung saan 437 ang nasawi at 654 ang gumaling.

Ayon kay Presidential spokesperson Harry Roque, wala pang desisyon si Pangulong Rodrigo Duterte sa mungkahi ng UP.

“Malaki po ang maitutulong sa pagbagal ng pagkalat ng sakit kung isu-suspinde ang mga klase hanggang college level,” sabi ni Roque.

“Although meron din isang eksperto na nagsabi kagabi na ‘aalahanin po n’yo na kapag sinuspend n’yo ang klase wala ring medical students na maga-graduate’ sa panahon na kailangan din natin ng mga medical graduates, tsaka ‘yung mga nursing graduates,”  dagdag niya.

Una rito, sinabi ni Education Secretary Leonor Briones na maaaring sa Agusto magbukas ang 2020 academic year sa halip na sa Hunyo dahil pa rin sa krisis dulot ng COVID-19.

Gayunman, sinabi ni Briones na ang desisyon pa rin ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) at ang Pangulo ang masusunod tungkol sa pagbubukas ng klase.--FRJ, GMA News