Aabot sa 18 indibidwal ang naaresto sa Sampaloc, Maynila dahil sa paglabag sa modified enhanced community quarantine, ayon sa ulat ni Mai Bermudez sa Unang Balita nitong Biyernes.

Ang mga naaresto ay nahuling nagbibilyar at nag-iinuman sa Barangay 423 Zone 23 at Barangay 436 Zone 44.

Ilang residente ang nagsumbong sa pulis tungkol sa mga nagbibilyar at nag-iinuman.

Bukod sa ordinansa laban sa social gathering, nilabag din daw ng mga naaresto ang ordinansa sa pag-inom ng alak sa pampublikong lugar.

Kaniya-kaniya namang palusot ang mga nahuli.

Iniimbestigahan na ng pulisya ang may-ari ng dalawang bilyaran kung saan naaresto ang 18 katao. Sa ilalim ng MECQ, bawal mag-operate ang mga bilyaran.  —KBK, GMA News