Sa edad na 80, pumanaw na ang batikang election lawyer at dating chairman ng Commission on Elections na si Sixto Brillantes Jr. Nitong nakaraang buwan, iniulat na nagpositibo sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) si Brillantes.

“This is to confirm the passing of former Chairperson Sixto S. Brillantes Jr., today at a little past 11a.m.,” saad ni Comelec spokesperson James Jimenez sa mensaheng ipinadala sa mga mamamahayag nitong Martes.

Naglalabas umano din umano ng opisyal na pahayag ang Comelec.

Hulyo 26 nang ipaalam ni Emil Marañon, dating tauhan ni Brillanes, na nagpositibo sa COVID-19 ang dating pinuno ng Comelec.

Nag-tweet din si Marañon nitong Martes tungkol sa pagpanaw ng kaniyang dating pinaglilingkuran.

Nagsilbing Comelec chairman si Brillantes mula 2011 hanggang 2015.

Ilan sa mga kilalang personalidad na naging kliyente ni Brillantes bilang election lawyer ay sina dating Pangulong Joseph Estrada, ang namayapa at naging presidential candidate na aktor na si Fernando Poe Jr., at maging si Andal Ampatuan Sr.—FRJ, GMA News