Mga maliliit na negosyo o micro and small firms na "in distress" lang ang mabibigyan ng ayuda sakaling magbigay ng subsidiya ang gobyerno para makapagbigay sila ng 13th month pay sa kanilang mga manggagawa, ayon sa Department of Labor and Employment (DOLE).

Sa virtual press conference nitong Biyernes, sinabi ni Labor Secretary Bello III, na ang mga naluging maliliit na negosyo ay dapat mag-apply sa pamahalaan ng subsidiya para makapagbigay sila ng 13th-month pay sa mga empleyado.

Kailangan patunayan ng mga mag-a-apply ng subsidiya na nalulugi sila at magkano ang nalugi sa kanila.

Nang tanungin kung posibleng makasama rin sa subsidiya ang "medium enterprises," sabi ng kalihim, "Hindi na siguro.”

“Maganda-ganda ang kanilang katayuan ito ‘yung mga umaabot sa P100 million ang capitalization nila... [so] hindi na siguro, micro na lang tsaka small,” sabi ni Bello.

Sa Pilipinas, ang mga negosyo na itinuturing “micro” ay kung ang asset size nito ay nasa P3,000,000 at may siyam na empleyado.

Ang “small” business ay may asset size na nasa P3,000,001 at P15,000,000 na may 10 hanggang 99 kawani.

Ang “medium” business ay may P15,000,001 hanggang P100,000,000 asset size at nasa 100 hanggang 199 ang kawani.

Sa datos ng Department of Trade and Industry, 99 porsiyento ng negosyo sa bansa ay kinakatawan ng MSMEs. Bukod dito, 60 porsiyento rin umano ng mga manggagawa ay nasa MSMEs.

Nitong Huwebes, idineklara ni Bello na dapat ibigay ang 13th-month pay ng mga manggagawa ngayong taon kahit may pandemic.

Upang matulungan ang mga nagigipit na negosyo, sinabi ni Bello na pinag-aaral ng pamahalaan ang magkaloob ng subsidiya o magtatag ng loan facility.

Kung pagbabatayan ang datos ng DOLE na 1.3 milyong manggagawa ang apektado ng krisis, kakailanganin ng P5 bilyon para gamiting subsidiya upang makapagbigay ng 13th-month pay.

Subalit kung pagbabatayan ang datos ng Philippine Statistics Authority na 5.5 milyon ang mga manggagawa na apektado ng pandemic, P13.7 bilyon ang kakailanganin.

Pero ayon kay Bello, kailangan pa rin alamin kung ilan talaga ang apektadong manggagawa sa micro at small business ang kailangang tulungan na mabigyan ng 13th month pay.

Kung wala umanong sapat na pondo ang gobyerno para magbigay ng subsidiya para sa 13th-month pay, maaari namang humiram ang mga employer sa mga state-owned banks tulad ng Land Bank of the Philippines at Development Bank of the Philippines.

“Depende sa DOF kung anong loan facility ang ie-extend nila sa micro and small businesses,” ani Bello.— FRJ, GMA News