Nagbitiw sa kaniyang puwesto bilang House Minority leader si Manila Representative Bienvenido Abante Jr. at lumipat sa bakuran ng mayorya ni bagong Speaker Lord Allan Velasco.

Ginawa ni Abante ang pagbibitiw matapos niyang gawin ang kaniyang talumpati na "turno en contra" sa panukalang P4.5 trilyong national budget sa 2021 nitong Biyernes.

“I have full trust in the new leadership. There is no better symbol of this trust than the expression of intent to join the Majority so I could be more proactive in providing urgently needed legislation and congressional oversight on the instance that the Majority leader and the Speaker favorably act on this prayer,” sabi ni Abante patungkol kay Velasco, na pumalit kay dating Speaker Alan Peter Cayetano.

“Ako po ay sasama sa Majority,” dagdag ni Abante.

Ipinaubaya naman ni Abante sa mga miyembro ng minorya na pumili ng kaniyang kapalit.

Kasabay nito, nagpasalamat siya sa suportang ibinigay sa kaniya ng minority bloc sa nakalipas na 15 buwan.

“This is a difficult decision since the minority bloc has become my extended family in the House. I will always cherish the time we worked together,” ani Abante.

“Magkaiba man tayo ng partido, paniniwala, ideolohiya, there is one thing that binds us, which is our desire to serve our people,” sabi ni Abante.

Una rito, sinabi ni Abante na handa siyang magparaya kay Cayetano na maging lider ng minorya kung nanaisin ng kongresista na kumalas sa grupo ng mayorya matapos mapalitan sa liderato.

Pero ayon kay Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers, nagpahayag na silang mga kasapi ng Nacionalista Party (NP) ng suporta kay Velasco, at kasama rito ang kanilang kapartido na si Cayetano.—FRJ, GMA News