Apat na bangkay ng lalaki na may tama ng bala ang nakita sa magkakahiwalay na lugar sa Quezon City nitong Biyernes.

Sa ulat ng GMA News TV "QRT," sinabing nakita ang bangkay ng isang Alyas Toryo, na nakalagay sa sako at may balot ng packaging tape sa bangketa ng Barangay E. Rodriguez.

Ayon sa isang saksi, apat silang naglalakad ng biktima nang hintuan sila at tutukan ng baril ng isang lalaking nakasakay sa motorsiklo.

Target daw ng suspek si Toryo at napatakbo na raw ang saksi at kaniyang mga kasama.

Nakita raw nila na ipinosas si Toryo at dinala ng suspek.

Sa Katipunan Avenue naman nakita ang bangkay ng dalawang lalaking nakaposas na 10 metro ang layo sa isa't isa.

Pareho silang may tama ng bala sa ulo at katawan.

Ayon sa mga opisyal sa barangay, hindi residente sa kanilang lugar ang mga biktima.
May nakitang ID sa mga bangkay ng mga biktima pero beberipikahin pa ito ng ang mga awtoridad.

Nakaposas din ang bangkay ng isang lalaki na nakita sa Lagro, Fairview at may naiwan na basyo ng mga bala.

Inaalam na ng mga awtoridad kung may CCTV sa mga lugar na pinangyarihan ng krimen para makatulong sa imbestigasyon.

"Inaalam natin kung itinapon lang dito, ibinagsak lang dito o dito mismo pinatay [ang mga biktima]. Nananawagan kami sa mga pamilya na maaaring hindi umuwi mula kagabi na kapamilya nila na hinihintay nila," ayon kay Police Major Elmer Monsalve, OCPD-CIDU.

Aalamin din ng mga imbestigador kung anong baril ang ginamit ng mga salarin, at kung magkakaugnay ang mga krimen.

Iginiit naman ni Monsalve na "isolated case" ang pagkakadiskubre ng mga bangkay at walang dapat ikabahala ang mga tao.  --FRJ, GMA News