Isang lalaki na natutulog sa isang footbridge sa Quezon City ang binaril sa ulo ng hindi pa natutukoy na salarin.

Sa ulat ni James Agustin sa GMA News "Unang Balita" nitong Huwebes, sinabing duguan nang makita ng mga tauhan ang Task Force Disiplina ang biktima sa footbridge sa Edsa-Quezon Avenue kaninang 1:00 a.m.

Rumesponde ang mga tauhan ng TF Disiplina sa lugar matapos silang puntahan ng ilang kabataan tungkol sa nakita nilang duguang biktima na unang inakala na pinalo sa ulo.

Ayon sa TF Disiplina na may outpost hindi kalayuan sa footbridge, may nadinig silang putok pero inakala nilang nagmula lang sa pumutok na gulong ng sasakyan.

Dinala ang biktima sa East Avenue Medical Center at kritikal ngayon ang kalagayan.

Ayon sa nakakakilala sa biktima, nangangalakal ito ng basura at sa footbridge talaga natutulog lalo na kung umuulan.

Batay sa ID na nakuha sa kaniya, residente ng Barangay Bagong Pag-asa ang biktima.

Patuloy ang imbestigasyon ng mga pulis para alamin ang motibo at pagkakakilanlan ng salarin.--FRJ, GMA News