Nasawi ang isang criminology student, habang sugatan ang tatlo pa niyang kamag-anak matapos silang pagsasaksakin ng kanilang kapitbahay na nagalit umano nang hindi makadaan ang tricycle nito dahil sa nakaparadang motorsiklo sa Caloocan City.

Sa ulat ni James Agustin sa GMA News "Unang Balita" nitong Huwebes, kinilala ang biktima na si Junel Talan, 20-anyos na criminology student, na nasaksak sa dibdib nitong Martes ng gabi sa Barangay 12.

Nag-ugat umano ang pananaksak ng  suspek na si Matias Avenido Jr. nang hindi nito maipasok ang kaniyang tricycle sa eskinita dahil may nakaharang na motorsiklo na hindi naman daw pag-aari ng mga biktima.

Ayon sa kapatid ng biktima, katatapos lang nilang kumain nang kalampagin sila ni Avenida, na lasing umano noon.

"Pagbungad kong ganoon, sabi ko 'Sir anong problema?' 'Labas ka rito' sabi niya. Paglabas ko, 'yung motor daw, akala niya po amin 'yung motor 'yung naka-parking diyan sa gilid. Pagsabi ko sa kaniyang ganoon bigla na niya akong inundayan ng saksak," sabi ng kapatid ng biktima.

Nadaplisan ng saksak sa braso ang kapatid ni Talan hanggang sa magpambuno sila.

Tumulong naman si Talan, at ang isa pa nilang kapatid at kaniyang tiyahin.

Nasaksak sa dibdin si Talan, habang sa nguso tinamaan ang isa pa nilang kapatid na lalaki. Nagkasugat sa naman sa ulo at kinagat pa sa daliri ng suspek ang kanilang tiyahin.

Agad na tumakas ang salarin matapos ang krimen.

Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya na dati nang may alitan ang suspek sa pamilya ng biktima, ayon kay Police Major Dennis Odtuhan, Commander ng Caloocan Police Sub-Station 4.

Ang ugat din ng dating ayaw, ang hidwaan sa pagpa-parking ng motorsiklo na nahihirapan daw ang suspek na dumaan.

"Lasing po lagi 'yan na uuwi rito, gusto niya kung dadaan siya diyan wala na po talagang nakaharang, parang ari-arian po, siga pong gano'n," sabi ng kapatid ng nasawing biktima.

Patuloy ang isinasagawang manhunt operation ng pulisya laban sa suspek habang nanawagan ng hustisya ang mga kapatid ng biktima.--Jamil Santos/FRJ, GMA News