Inihayag ni Manila Mayor at presidential aspirant Isko Moreno na kapuri-puri ang ginawa ni Pangulong Rodrigo Duterte at Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) sa ginawang pagtugon sa COVID-19 pandemic.

Sa pagbisita ng alkalde sa Bulacan nitong Biyernes, partikular na binanggit ni Moreno ang isinagawang three-day vaccination drive ng pamahalaan laban sa COVID-19.

"Pangamba at takot sa impeksyon, pangamba at takot sa hanapbuhay, dahil dito, nagdulot ito ng konting pagkakalito. But life must go on. We give credit where credit is due,” anang alkalde.

“Totoo naman kapuri-puri 'yung ginawa ni Pangulong Duterte at ng IATF, kung saan 'yung mga lokal na pamahalaan na nabakunahan na namin. Lahat tumulong naman sa probinsya, which ginawa namin,” patuloy niya.

Isinagawa ang three-day national vaccination drive (Nov.19-Dec.1) para dumami pa ang mga Filipino na mababakunahan laban sa virus.

Umabot sa 7.6 milyon katao ang nabakunahan sa loob ng tatlong araw, kapos sa 9 na milyon target ng programa.

Ayon kay Moreno, hindi perpekto ang administrasyong Duterte pero nakikinig umano ang pangulo sa mga tao.

Ginawa ring halimbawa ni Moreno ang pagpabor ni Duterte na huwag nang gawing sapilitan ang paggamit ng face shield.

“May mga bagay na 'di perpekto. Pero as long as nakikinig 'yung leader doon sa talbog o pagkakadapa ng kanyang mga tao at ikino-correct naman niya, that’s what you call learning the lesson and moving forward,” paliwanag niya.

“Tulad halimbawa 'yung sa face shield, in-argue ko 'yung isang ahensya ng gobyerno pero nakita mo naman dininig ni President Duterte 'yung request ng taumbayan. Ako, in-echo ko lang naman,” dagdag ng alkalde.— FRJ, GMA News